Sigaw ng Mag-aaral, Persepsyon ang Umiiral: Work Immersion Program ba ay Benepisyo o Pahirap?

May bagong programang inilatag ang Department of Education o DepEd na nagsimula makalipas ang halos limang taon. Ito ay ang K-12 Program. Napapaloob sa K-12 curriculum, kailangang dumaan at maipasa ng isang mag-aaral ng senior high school ang work immersion program o WIP ng DepEd kasama ang Kagawaran ng mga Manggagawa sa pakikipag-tulungan ng iba’t-ibang institusyon sa ating bansa. Ang WIP ay binuo upang ang mga mag-aaral ay magkaroon ng pambungad na kaalaman patungkol sa realidad ng buhay at pagta-trabaho. Ang mga mag-aaral ay inaasahang magkakaroon ng malalim na pang-unawa sa programa at malilinang ang kani-kanilang mga abilidad na natutunan base sa kanilang pag-aaral at sa mga kinuhang strand. Ang mga mag-aaral ay kailangang gumugol ng 80 oras upang pagdaanan at tapusin ang iba’t- ibang klase ng trabahong inihanda para sa kanila at ito ay ayon rin sa “Department # 40 series of 2015” ng kagawaran. Ang lahat ng trabahong itatalaga sa mga mag-aaral ay dapat na ina-angkop base sa kanilang mga napiling strand. Ito ay isa sa mga requirement at mandato ng DepEd na dapat pagdaanan at malagpasan ng mga mag-aaral. Ito ay naiiba sa on-the-job-training o OJT dahil ang lahat ng mga estudyanteng makararanas ng WIP ay walang matatanggap na kahit anong uri ng sweldo galing sa paaralan o kahit sa institusyong nakibahagi sa programa. Ang OJT ay karanasang nagaganap sa mga estudyanteng magtatapos ng kolehiyo. Kadalasan ring na ang lahat ng sumasailalim sa OJT na mga mag-aaral ay sila mismo ang pumipili ng kanilang papasukang institusyon. 

            “Kung gusto maraming paraan, kung ayaw maraming dahilan.”

            Marami tayong gustong gawin habang tayo ay nabubuhay. Sa lahat ng ninanais natin ay binibigyan natin ito ng atensyon at paghahanda sa iba’t-ibang pamamaraan. Tulad na lamang sa Work Immersion Program ng mga paaralang nasasakop ng Roman Catholic Bishop of  Novaliches Educational System o RCBN-ES sa pakikibahagi ng REX Group of Companies na isa sa mga nanngungunang kumpanya sa paggawa at paglilimbag ng iba’t- ibang uri ng mga libro. Lahat ng mga estudyante ay gustong maipasa ang programang ito kaya sila’y gumagawa ng iba’t-ibang paraan upang matugunan ang mga naatas na gawain sa bawat isa sa kanila. Ang pagbiyahe ng halos dalawang oras upang hindi mahuli sa pagpasok sa trabaho at upang malagpasan rin ang trapik. Maraming sinasakripisyo ang mga mag-aaral para sa programang inihatag nila. Ninanais talaga ng mga estudyante na matapos na itong WIP kaya binibigyan nila ito ng mahabang oras at mahabang pagpapasensya. Sa kabilang banda, marami pa ring mga bagay na hindi natin ninanais o ninais man lang na maranasan sa ating buhay. At kung ayaw natin ang mga  ito, ating binabale-wala o nagbibigay tayo ng maraming kadahilaan upang tutulan ang mga ito. Sa patuloy na pag-arangkada ng programa, masasabing marami ang sumubok sa WIP samantalang mayroon ding mga mag-aaral na nanindigang hindi ito subukan. Malaki ang epekto ng social media sa usaping ito. Dahil sa social media, nagkaroon ng diskusyon ang mga mag-aaral. Ang iba ay sumubok dahil alam nilang may benepisyo silang makukuha rito at dahil na rin sa pag-aaya ng mga kapwa mag-aaral. Ang iba ay hindi man lang sumubok dahil sa implewensya ng ibang mga kaibigan habang ang iba naman ay may kanya-kanyang personal na mga problema. Malaki ring epekto ang pagkakatapat ng halos dalawang linggong programa sa bakasyon ng mga mag-aaral.

            Maraming iba’t-ibang opinyon at pahayag ang mga estudyante patungkol sa ginagawang Work Immersion Program. Marami ang naiinis at nawawalan ng gana upang ipagpatuloy pa ang nabanggit na programa. Una, ang pagta-trabaho ng walang sahod o “labor without pay” galing sa kumpanya o maging sa paaralan. Kahit na ito ay isa sa pinaka-mahalagang requirement sa pagpasa sa Grade 12, hindi pa rin tama para sa pananaw ng iba na walang nakukuhang benepisyo ang mga estudyante. Ikalawa, walang libreng serbisyong pang-transportasyon at libreng pagkain. Ang lahat ng bagay upang mairaos ang programa ay nangangailangang gumastos nang gumastos na tila ba pahirap sa mga bulsa ng mga mag-aaral at ng kanilang mga magulang. Animo ba’y basta-basta pinupulot sa kalsada ang pera na kinikita ng ating mga magulang kung kaya’t ganun na lamang ang reaksyon nila. Maidadagdag pa rito ang mga gawaing iniuutos sa mga mag-aaral ay wala naman alagang kinalaman sa kanilang napiling strand. Tulad sa mga mensahe ng mga propesyonal, marapat na magsimula ang lahat sa pinaka-simula at hindi papasok agad-agad sa gitna o dulo ng hindi tayo lumagapak sa pina-ibaba na hindi natin kailanman gugustuhin at pangangarapin. Hindi angkop ang ibang mga pinagagawa sa mga estudyante tulad na lamang ng pag-scan ng maraming pahina ng iab’t ibang libro,pagtutupi ng mga folder, paglalagay ng mga fastener at marami pang hindi angkop na gawain ang ipinararanas sa mga mag-aaral. Ang lahat ng nangyari ay hindi pwedeng isisi sa REX Group of Companies, kahit sa kani-kanilang mga paaralan o kahit kanino man dahil nasa pagitan ng RCBN-ES at ng kumpanya ang kanilang mga kasunduan.

Bagama’t marami man ang negatibong reaksyon, kapares nito ay mayroon pa ring mga positibong reaksyon. Ang ilang estudyante ay natuwa dahil hindi nila nararanasan ang mga hindi angkop na trabaho tulad sa ilan nilang mga kapwa kamag-aral. May ilang grupo ng mag-aaral ang naging maswerte dahil sila ay natapat sa departamentong angkop na angkop sa kanilang napiling strand. Nagagamit ng mga mag-aaral na ito ang kanilang mga kaalaman base sa napag-aralan nilang espesyalidad. Hindi natin pwedeng ipagsantabi na ang programang ito ay nagkaroon sa atin ng tulong upang mahasa pa ang ating mga kaalaman tungo sa mas maunlad na mga kaisipan.


            Sa pagtatapos, masasabi nating mayroong iba’t-ibang persepsyon ang bawat tao. Pwedeng ang persepsyon na ito ay maging kampi o positibo para sa isang kampo at maari ring maging mali o negatibo para sa iba. Maraming maitutulong sa mga mag-aaral ng senior high school ang programang tulad nito na kung saan mahahasa at mailalabas natin ang ating mga tinatagong abilidad. Subalit hindi natin agad-agad mahuhuusgahan kung ang isang programa o proyekto ay magiging tagumapay ba o magiging kamalian lamang. Ang kahihinatnan ng isang programa ay naka-base sa mga nagpa-plano at mga kabahagi nito. Maraming benepisyong makukuha ang mga mag-aaral sa programang ito ngunit hindi lahat ay nakatanggap ng pantay na pagtingin at angkop na mapaglalagyan. Umiiral sa ating mga Pilipino ang pagkakaroon ng mahabang pagpapasensya at pagtitiyaga. Magkakaroon ba tayo sa ilang bagay ng benepisyo o isa lamang pahirap at ayanay nasa desisyon nan g bawat isa sa atin.


                       --- Anthony Tolibas Gregorio II 



Comments

Popular posts from this blog

Munting Pangarap

REX Knowledge Center’s Cradle For Artworks